Saturday, November 7, 2009

Unibersal na Nukleyus bilang hugpungan ng mga wika sa Pilipinas

ni Ronel Laranjo

BA Filipino

Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas

Unibersidad ng Pilipinas, Diliman

Binubuo ng mahigit sa pitong libong kapuluan ang Pilipinas, hindi man ganito karami, maituturing ding hindi biro ang pagkakaroon ng mahigit sa isandaang wika sa pareho ring bansa. Ang katangiang pisikal ng nasabing bansa ang nagluwal sa marami nitong wika. Dala ng pangangailangang makipagkomunikeyt sa kapwa tao sa parehong lugar tulad ng bundok, kapatagan, at maging sa loob ng pulo, nalikha ang iba’t ibang wika: wika ng mga taga-kapatagan, wika ng mga taga-bundok, wika ng mga taga-pulo, wika ng mga taga-ibayo at marami pang iba. Bagaman iba-iba ang wikang sinasalita ng bawat lipunan, nasa iisang bansa naman sila at tiyak na hindi maiiwasan ang pakikipagkalakan at pakikipag-interak sa ibang lipunan kaya naman, ang wikang partikular lamang sa isang lugar ay hindi na lamang sa kanila kundi nalalaman, nahahaluan at napapaunlad ng mga wika ring dati ay partikular lang din sa isang pamayanan. Base sa mga pag-aaral ng mga dalubwika, ang mga wika sa Pilipinas ay kabilang sa pamilya ng wikang Malayo-Polynesia na nagsanga-sanga. Nagsanga-sanga man ito, iisang puno pa rin ang pinagmulan nito at tulad ng tubig na dumadaloy sa mga buong kapuluan, tiyak na may hugpungan ang mga wikang nabanggit. Ang papel na ito ay tatalakay sa mga pagkakatulad ng mga wika sa Pilipinas batay sa Unibersal na Nukleyus (Paz,1995) na tumutukoy sa mga magkakaparehong elemento ng lahat ng mga wika sa Pilipinas. Saklaw nito ang pangunahing mga bahagi ng gramar: fonoloji, morfoloji at sintaks.

Fonoloji

Ayon kay Consuelo Paz, hindi gaanong magkakaiba ang mga wika sa Pilipinas, ganoon din sa pagkakabit-kabit ng mga tunog na ito sa pagbuo ng silabol o ng mga salita. Madalas na mapapansing nagkakapalitan ang mga tunog na /e/ at /i/ maging ang /o/ at /u/ dahil sa ang mga tunog na ito ay iisa lamang sa panahon ng mga katutubo ngunit dahil sa impluwensya ng mga banyagang salita tulad ng Espanyol, Ingles, Arabik, Sanskrit, Chinese at iba pa, naging hiwalay na mga ponema na ang mga nabanggit. Lahat ng mga wika sa Pilipinas ay may mga tunog na i, a, u, p, t, k, b, d, g, s, h, m, n, ng, r, l, w at y. Halos pareho ang pagbigkas sa mga nasabing tunog sa lahat ng mga wika sa bansa. Ponemik din sa lahat ng mga wika ang diin kung saan nagbabago ang kahulugan ng salita kapag nililipat ang diin. Halimbawa ang mga salitang Tagalog at Hilgaynon na púno na nangangahulugang mataas na halaman at punó na nangangahulugang wala ng maidagdag sa isang lalagyan. Gayundin ang mga salitang matá (mata) at máta (hilaw) sa wikang Ivatan at béleng (gubat) at beléng (lasing) sa wikang Binukid.

Morfoloji

Nasa mga salita naman ang pinakamaraming pagkakaiba ng mga wika sa Pilipinas kaya halos hindi magkaintindihan ang mga Pilipinong may iba’t ibang wika. Sa kabila nito, halos limampung porsyento naman ang magkakatulad na mga salita sa mga wika sa bansa. Tinatawag na kogneyt (cognate) ang mga salitang pareho ang kahulugan, bigkas o anyo. Halimbawa nito ay ang salitang walú sa mga wikang Tagalog, Ilokano, Kapampangan, Ibanag, Itawes, Pangasinan, Bontok, Naga Bikol, Waray, Agutaynen, Maranaw, Tagbanwa at Buhi; wálu naman sa wikang Blaan at Binukid; wálu? sa wikang Yakan; gwálu sa wikang Subanen; wólu sa wikang Bagobo; waxú sa wikang Itbayat; weyu sa wikang Isinay; wago sa wikang Aklanon; walú sa wikang Kalinga; wawú sa wikang Sebwano at waw sa wikang Ilongot. Makikita pa ang maraming patunay ng aspektong ito ng gramar sa pag-aaral ni Paz na A Reconstruction of proto-Philippine phonemes and morphemes.

Isa pang taglay ng mga wika sa Pilipinas ang sistema ng paglalapi. Maaaring kabitan ng isa o mahigit pang panlapi ang salitang ugat at stem. Karaniwang matatagpuan sa mga wika ng Pilipinas ang mga panlaping pandiwa tulad ng mag-, -in-, i-, na-; mga panlaping ikinakabit sa mga pang-uri tulad ng ma-, pala-; at panlaping causative o sanhi na pa-.

Sintaks

Sa dalawang pag-aaral ni Ernesto Constantino na The Sentence Pattern of Twenty-six Philippine Languages at The Deep Structures of Philippine Languages, tinalakay ang pagkakapareho at pagkakaiba ng mga pangungusap sa mga wika sa Pilipinas. Ayon sa kanyang analisis, lahat ng payak na pangungusap sa mga wika sa bansa ay may nakapangilalim na unibersal na istruktura na nabubuo ng isang preys (phrase) na may pandiwa at isang preys na complement ng pandiwa o keys. Kung gayon, pare-pareho ang pagbubuo ng mga pangungusap sa lahat ng wika sa Pilipinas. Binubuo ng pangngalan at ng panandang pang-simuno ang sabjek o simuno, halimbawa: ang aso (Tagalog), an iru (Sebwano), at dyay asu (Ilokano). Maaari ring madagdagan ito ng possessive phrase: ang aso mo (Tagalog), ang iru mu (Sebwano), at dya asum (Ilokano). At maaari ring madagdagan ng locative phrase: ang kambing sa bukid (Tagalog), ang kanding sa uma (Sebwano), dya kalding diyay taltalun (Ilokano). Maaari namang buuin ang panaguri ng mga sumusunod: isang pandiwa- Tumakbo ang aso. (Tagalog), Nidalagan an iru. (Sebwano), Nagtaray dyay asu. (Ilokano); Pandiwa at pariralang pangngalan- Kumain ng mangga ang bata (Tagalog), Kinmaun hin mangga ang bata. (Waray), Kinminan tu mangga i abbing (Ibanag); Pariralang pangngalan- Abugado ang kapatid ko. (Tagalog), Abugadu ang tud ku (Hiligaynon), Abugaw in tymanghud ku; at pariralang pang-uri- Gwapo ang binata. (Filipino), Gwapu an sultero. (Bikol), Gwapu su bagit ley. (Pangasinan).

Isa ring katangian ng mga wika sa Pilipinas ang pagmamarka ng pangngalan kung tiyak na pangalan o hindi na nangyayari sa simuno ng pangungusap: Manunulat si Juana. Manunulat ang kapatid ko. (Tagalog), Manunulat hi Juana. Manunulat in taymanghad ku. (Tausug), Mannurat ni Juana. Mannurat dyay kabsat ku. (Ilokano). Nangyayari din sa mga complement ng pandiwa: Pumunta ang bata kay Ana. Pumunta ang bata sa bukid. (Tagalog), Niadtu ang bata kang Ana. NIadtu ang bata sa uma. (Sebwano), Myattu in bat kan Ana. Myattu in bat ha uma. Makikita rin ito sa mga pariralang possessive: Gumanda ang bahay ni Juan. Gumanda ang bahay ng pulis. (Tagalog), Hinmusay an balay ni Juan. Hinmusay an balay san pulis. (Waray), Limingkat in bay hi Juan. Limingkat in bay sin pulis. (Tausug).

Lahat ng mga wika ay may mga pangungusap na nabubuo ng isang salita lamang: Umuulan. (Tagalog), Nagaulan. (Sebwano), Immulan. (Tausug), Agtudtudu. (Ilokano), Mumuran. (Kapampangan). Nadudugtungan din ang mga ito ng mga particle: Madilim na. (Tagalog), Madulum na. (Hiligaynon) Malindum na. (Tausug), Nasipngeten. (Ilokano), Madulumdum na. (Kapampangan).

Naipapakita rin kung isa (singular) o marami (plural) ang isang bagay at ipinapakita ito sa paggamit ng pluralizer tulad ng manga (mga) sa Tagalog, Binukid, Manobo, Waray, Sebwano, Tausug atbp. Makikita rin sa mga sistema ng panghalip ang pagiging isa o marami, gayundin ang pagiging ng dalawa o dual tulad ng kita at kata sa Tagalog, Sebwano at Bikol.

Pare-pareho rin ang sistema ng pagtatanong na nilalagyan ng mga morfim: Maaga pa, di ba? (Tagalog), Maaga pa, diri ba? (Waray) Sayu pa, di ba? (Sebwano), Kaaga pa, bukun ba? (Romblon), Nasa pa pay, saan kadi? (Ilokano), Bibihat pay, boon adi?, (Isinay), Maranun pa, ali mo? (Kapampangan)

Masasabing ang Unibersal na Nukleyus ang hugpungan, tagpuan at nagbibigkis sa mga wika sa Pilipinas na minsa’y maaaring isang wika lamang. Ang mga elementong nabanggit ang basehan sa pagkakaroon ng Filipino, na hindi lamang base sa iisang wika, kundi taglay ng lahat mga wika mula Luzon hanggang Mindanao. Isang lingua franca na buhay, patuloy na yumayabong sa pamamagitan ng patuloy na pag-aambag ng mga wika sa Pilipinas na dinagdagan pa ng iba pang umiiral na wika. Dahil ang bansa ay isang demokratikong lipunan, malaya ring nakikisangkot ang mga wika sa kapwa wika sa pagpapaunlad ng Pambansang Wika ng sambayanang Pilipino.

Bibliografi

Constantino, Ernesto A. “The deep structures of the Philippine languages.” Ph. D. Dissertation Unibersidad ng Pilipinas, Diliman,1970.

__________________. The sentence patterns of twenty-six Philippine languages. Amsterdam: North Holland Publication,1965.

Paz, Consuelo. Ang Wikang Filipino Atin Ito. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino Unibersidad ng Pilipinas-Sistema.1995.